Balik na sa face-to-face graduation ang Philippine Military Academy (PMA) ngayong Linggo, matapos ang dalawang taong virtual commencement exercises dahil sa COVID-19 pandemic.
Dumalo sa nasabing event si Pangulong Rodrigo Duterte, bilang guest of honor and speaker.
Nananatiling mahigpit ang pagsunod sa COVID-19 protocols sa loob ng PMA kahit face-to-face ang commencement exercises.
Sumailalim sa COVID-19 antigen testing sa PMA ang lahat ng mga magulang, kapamilya at mga mahal sa buhay ng mga graduates.
Nasa 214 kadete ng PMA Bagsik Diwa Class of 2022 ang nagtapos ngayong Linggo, kung saan 165 ang lalaki at 49 ang babae.
Sa Top 10 ng PMA Bagsik Diwa, 5 ang babae, kasama ang class valedictorian na si Cadet First Class Krystlenn Ivany Quemado.
Si Quemado ang tumanggap ng presidential saber pati certificate ng house and lot mula kay Duterte.
Inspirasyon umano ni Quemado ang amang si Col. Nicholas Quemado Jr., na miyembro ng PMA Class 1993 at kasalukuyang Inspector General ng Philippine Army at ang gurong ina na si Loveleih.
Philippine Navy ang branch of service na puntahan ni Quemado.
Sa kaniyang talumpati , sinabi ni Quemado na matagal na niyang pangarap ang makapagsilbi sa publiko.
Si Cadet First Class Kevin John Pastrana mula Baguio City naman ang tumanggap ng vice presidential saber sa pagiging salutatorian ng kanilang klase.
Habang si First Class Ian Joseph Bragancia mula Pototan, Iloilo naman ang tumanggap ng SND Saber mula kay Defense Secretary Delfin Lorenzana.
Tinanggap din niya ang kauna-unahang Chief Justice Saber sa pagkakaroon ng pinakamataas na rating sa lahat ng kanilang military law courses.
Sa kaniyang mensahe, pinaalalahanan ni Pang. Duterte ang mga nagtapos na kadete na maging tapat sa tungkuling protektahan ang mamamayan at ang bansa.
Binigyang-diin ni Duterte na ang ang susunod na henerasyon ang mga tutugon sa mga problema ng bansa tulad ng krimen, korapsiyon at ilegal na droga.