Ipagpapaliban ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang nakatakda sana nitong plenary deliberations para sa panukalang amiyenda sa 1987 Constitution sa susunod na buwan.
Sinabi ni House Committee on Constitutional Amendments chair Rufus Rodriguez na ito ay para na rin mabigyan ng sapat na panahon ang pagrekonsidera sa mga proposals ng interagency body sa reporma sa Saligan Batas.
Sa briefing kaninang umaga, inilatag ng Department of the Interior and Local Government – Interagency Task Force on Federalism and Constitutional Reform ang kanilang mungkahi para sa Charter Change.
Noong nakaraang taon ay inaprubahan ng Kongreso sa isang closed-door session ang resolution of both houses para sa Charter Change, kung saan nakapaloob ang probisyon na nagpapalawig sa termino ng mga kongresista.
Pero dahil sa naging diskusyon kanina kasama ang interagency body, sinabi ni Rodriguez na ide-delay na muna nila ang scheduled plenary deliberations sa proposal ng kanyang komite sa Pebrero para talakayin muli ito sa kanyang panel.
Kabilang sa inirekominda ng interagency body ay ang pagsama sa Konstitusyon ng ruling ng Korte Suprema sa Mandanas v. Ochoa na nagsasabi na hindi dapat inaalis sa share ng local government units sa Internal Revenue Allotment (IRA) ang iba pang national taxes tulad ng mga custom duties.
“Meaning, all taxes including customs collected VAT and income taxes will now be used in the computation of taxes to be distributed 40% to the local governments,” ani Rodriguez.
Inirekominda rin nito ang pagtatag ng Regional Development Authority bilang kapalit sa Regional Development Council para magkaroon anila ng epektibong regional governance mechanisms.