-- Advertisements --

Pinag-aaralan ngayon ng Department of Transportation (DOTr) na maglagay ng platform screen barriers sa mga tren matapos na masawi ang isang babae na tumalon sa riles ng Metro Rail Transit 3 (MRT-3).

Ayon kay Transportation Assistant Secretary Jorjette Aquino, kanilang isusulong ang naturang rekomendasyon na paglalagay ng platform screen doors o barriers katulad ng ginagamit sa ibang bansa sa oras na mayroon ng sapat na pondo.

Sa katunayan aniya nagkaroon na ng panukal dito noong nakalipas na taon subalit hindi natuloy dahil sa kakulangan ng pondo.

Sa ngayon, nangako ang ahensiya na kanilang sisiguraduhing striktong ipapatupad ng security personnel ang mga panuntunan kung saan hindi papayagan ang mga pasahero na lumagpas sa yellow line sa platforms hanggang sa hindi dumarating at hindi humihinto ang tren sa istasyon.

Pinayuhan din ang security personnel na i-monitor ang mga pasahero na may kahina-hinalang kilos.

Nagsasagawa na rin ng imbestigasyon at inaantay ang rekomendasyon ng safety at security team kaugnay sa nangyaring insidente kahapon.