LA UNION – Ipapamahagi ng lokal na pamahalaan ang mga survival seeds sa iba’t ibang lugar sa lalawigan ng La Union sa pamamagitan ng program na tinaguriang “Plants VS COVID-19”.
Layunin ng “Plants Vs COVID-19” na hikayatin ang mga naninirahan sa lalawigan na magtanim sa mga bakuran ng gulay upang may pagkaabalahan habang umiiral ang enhance community quarantine.
Ang pamahalaang panlalawigan ng La Union ay magbibigay ng libreng survival seed packs na naglalaman ng mga binhi ng ampalaya, kamatis, patola, talong, kangkong, upo, at pechay.
Ayon kay Provincial Information Officer Adamor Dagang, kabilang din sa maaaring matanggap ng binhi ng gulay ay ang mga interesadong naninirahan sa urban areas dahil maaari naman silang magtanim sa bakanteng lote o sa mga paso.
Maliban sa may pagkakaabalahan sa pamamagitan ng backyard gardening aniya ay isa rin itong paraan upang magkaroon ng karagdagang suplay ng pagkain ngayong mayroong krisis.
May mga ipinakalat na rin na mga contact number ang lokal na pamahalaan para sa makikipag-ugnayan ng mga nagnanais makatanggap ng survival seed packs.
Samantala, ngayong araw ng Lunes ay handa ng ipamahagi ang first batch na 4,000 survival seed packs sa lalawigan.