Pinagpa-planuhang maigi ng gobyerno ng Pilipinas ang pagbili ng kauna-unahang submarine dahil sa nangangailangan ito ng significant commitments para mamintina at ma-operate ang naturang asset ayon sa Philippine Navy.
Una ng ibinunyag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kamakailan ang planong pagbili ng submarine para sa Philippine Navy subalit sinabi din ng Pangulo na uunahin muna ng pamahalaan ang pagpapalakas ng anti-submarine capabilities ng ating bansa.
Ayon kay Philippine Navy Chief of Naval Staff Rear Admiral Jose Ma. Ambrosio Ezpeleta, ang paghahanda para sa pagbili ng submarine ng bansa ay sinimulan halos mahigit isang dekada na ang nakakalipas gayundin ipinapadala ang mga tauhan ng Philippine Navy sa ibang bansa para magsanay at mapag-aralan kung paano magpatakbo, mag-alaga at mamintina ang isang submarine at napakamahal din aniya ang presyo nito.
Maaalala, noong nakalipas na linggo kinomisyon ng Philippine Navy ang dalawang missile-capable gunboats kasabay ng pagdiriwang ng ika-125 anibersaryo ng PH Navy sa Manila.
Sinabi ng Pangulo na ang bagong mga assets na ito mula sa Israel ay inaasahang magpapalakas ng kapasidad ng Navy para sa pagpapatrolya sa maritime borders ng bansa.
Mayroon itong missile capability, napakabilis at capable vessels na mahalaga sa pagbabantay ng sea lanes of communications, ang chokepoints sa Pilipinas.