Nakatakdang magsagawa ng pagpupulong ang inter-agency na kinabibilagan ng Department of Health (DOH), Department of Foreign Affairs (DFA), at Department of Labor and Employment (DOLE) sa susunod na linggo.
Ito ay upang talakayin ang plano ng Department of Migrant Workers (DMW) na bumalangkas ng scholarship fund para sa mga healthcare workers na nais na magtrabaho sa ibang bansa.
Ayon kay DMW Secretary Susan Ople kanila ng inaasikaso ang paghahanap sa resources o pagkukunan ng scholarship fund sa pamamagitan ng bilateral talks sa ibang bansa.
Sinabi ng DMW official sa Senate budget hearing na hindi talaga maiiwasan na umalis sa bansa para magtrabaho abroad ang ating kababayang health workers.
Kaya’t kanilang hihilingin sa isasagawang bilateral talks para makapagcontribute ang ibang bansa para sa scholarship fund ng mga medical technologists at sa lahat ng healthcare workers.
Ang naturang ideya ayon kay Ople ay nagmula sa Minister of Health ng Singapore.
Ayon pa kay Ople bukas aniya ang Singapore-based Temasek Foundation at US based staffing agencies para tumulong sa naturang panukala na scholarship fund para sa mga Pilipinong health workers.