Swak na swak at napapanahon lamang para kay Director Carlo Arcilla ng Philippine Nuclear Research Institute – DOST ang plano ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na muling ikonsidera ang pagtatayo ng mga bagong nuclear powerplants at paggamit muli ng renewable energy bilang solusyon sa pagpapababa ng presyo ng kuryente sa bansa.
Ito ay matapos na ipahayag ng pangulo sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA) na kasama ito sa kaniyang top priority bills.
Paliwanag ni Arcilla, sa ngayon kasi tinatayang nasa 70% ng source ng ating energy ay mejo tagilid ang kalagayan.
Nasa 60% kasi aniya ng ginagamit na coal energy ng Pilipinas ay inaangkat pa mula sa Indonesia dahilan kung bakit tila hawak aniya tayo nito sa leeg tulad na lamang ginagawa ngayon ng Russia sa Germany sa gitna ng nagpapatuloy na sigalot ngayon sa pagitan naman ng Russia at Ukraine.
Habang sa kasalukuyan ay pinangangambahan na ring maubos ang supply ng enerhiya mula sa malampaya gas field kung saan naman nagmumula ang 20% ng ating kuryente.
Ngunit paglilinaw niya, bagamat maganda ang solar at wind energy ay hindi pa rin sasapat ang mga ito dahil hindi naman ito available sa lahat ng pagkakataon.
Ito ang dahilan kung bakit nakikita rin niya na isang magandang ideya rin ang muling pagbuhay sa paggamit ng nuclear powerplant dahil bukod sa mas mataas na enerhiyang taglay nito kumpara sa coal energy ay malaki rin aniya ang pinagkaiba nito sa pagdating sa presyo ng fuel consumption.
Samantala, muli namang binigyang-diin ni Arcilla na hindi dapat katakutan ang paggamit ng nuclear powerplant dahil isa aniya ito sa pinaka-ligtas at malinis na large scale energy na available sa bansa.