Mariing kinondena at pinaiimbestigahan ng Makabayan Bloc sa Kamara ang plano ng mga opisyal ng Cordillera na magpatupad ng Tokhang-style campaign laban sa mga makakaliwant grupo.
Sa inihain nilang House Resolution 1607, hinimok ng Makabayan Bloc ang Kamara, sa pamamagitan ng committee on human rights, na kondenahin at imbestigahan ang Cordillera Regional Law Enforcement Coordinating Committee Resolution No. 4.
Sinabi ng grupo na ang naturang resolusyon ay maaring magbunsod ng maraming human rights violations at extrajudicial killings, na sa pagkakataon na ito ay kontra sa mga aktibista at kritiko naman.
Ayon sa RLECC-CAR, gagamitin nila ang Oplan Tokhang para makumbinse ang mga left-leaning personalities na magbalik-loob sa pamahalaan.
Mababatid na sa kontrobersyal na war on drugs ng pamahalaan, sa ilalim ng Oplan Tokhang ay kumakatok ang mga law enforcers sa bahay ng mga drug suspects para pakiusapan ang mga ito na itigil na ang paggamit ng iligal na droga.
Pero ang kontrobersyal na operasyon na ito ay iniuugnay sa maraming bilang nang pamamaslang sa gitna ng drug war ng Duterte administration.