Ipinagpaliban habang naghihintay pa ng karagdagang pag-aaral ang plano ng gobyerno na bigyan ng akreditasyon ang mga blogger na may high engagement at followers upang i-cover ang mga kaganapan sa Malacañang ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles.
Ito ang nabunyag sa pagtatanong ni Camarines Sur 3rd district Rep Gabriel Bordado Jr. nang pag-usapan ng Kamara de Representantes ang panukalang budget ng Office of the Press Secretary (OPS) para sa 2023, na nagkakahalaga ng P473.17 milyon.
Ang Office of the Press Secretary ay nananatiling “bukas sa posibilidad ng pagkilala sa mga blogger,” ayon sa budget sponsor nito, ang House committee on appropriations senior vice chair na si Marikina 2nd District Rep. Stella Luz Qiumbo.
Tinanong ni Bordado kung paano pangalagaan ng OPS ang “katotohanan at pagiging patas ng impormasyon” sa paggamit ng social media, na inilarawan niya bilang “breeding ground para sa mga pekeng balita at maling impormasyon.”
Bilang tugon, binigyang-diin ni Quimbo na pinaplano ng OPS na magpatupad ng “unified messaging program sa loob ng executive branch” ng gobyerno.
Sinabi ni Quimbo sa ilalim ng programa, magkakaroon ng “vetting” ng OPS bago ang mga ahensya ng gobyerno, halimbawa, ay gumawa ng mga press statements.