-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Dalawang taon ang hinintay ng mga tsuper at operator ng mga pampasadang jeep bago sinang-ayunan ng LTFRB ang hiling nilang itaas ng piso ang pasahe sa jeep.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PISTON National Chairman Mody Floranda, sinabi niya na ang pisong pagtaas ng pasahe ay hindi kusang ibinalik ng LTFRB kundi bunga ng determinasyon nilang igiit ang sampung piso ang pinaka-mababang pasahe sa jeep.

Noong 2018 aniya ay ginawang P10 mula sa walong piso ang minimum fare sa jeep matapos na umabot sa mahigit Php40.00 ang bawat litro ng diesel.

Nang bumaba sa Php37.00 ang bawat litro ng krudo ay binawi ang piso kaya naging siyam na piso ang pinakamababang pasahe.

Dahil dito ay hindi maituturing na dagdag na pasahe ang piso kundi ibinalik lamang dahil una itong ipinatupad noong 2018.

Ayon kay Ginoong Floranda, dapat ang pisong pagtaas ng pasahe ay ipatupad ng LTFRB sa buong bansa dahil apektado lahat ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Mas mataas aniya ang presyo ng krudo sa ibang rehiyon kumpara sa Metro Manila kaya umaapela sila sa LTFRB na ipatupad ang pisong adjustment ng pasahe sa jeep sa buong bansa.

Makikipag-dayalogo sila sa LTFRB para igiit ang nationwide na pagtaas ng pasahe.

Ayon kay Ginoong Floranda, mawawalan ng saysay ang pisong pagtaas ng pasahe kung patuloy naman ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo kaya panawagan nila sa pamahalaan na gawan ng paraan para mapigilan ang patuloy na pagtaas ng presyo ngb langis.