Pumalo na sa mahigit P1 billion ang pinsala sa sektor ng agrikultura sa bansa dulot ng epekto El Niño phenomenon.
Base sa datos mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), naitala ang pinakamatalaking halaga ng production loss at danyos sa agrikultura sa Western Visayas na nasa mahigit P600 million sinundan ng Mimaropa na nasa mahigit P300 million, Ilocos region nasa mahigit P54 million, Calabarzon nasa mahigit P2.7 million at Zamboanga na nakapagtala naman ng mahigit P700,000.
Bunsod nito, naapektuhan ang kabuhayan ng nasa mahigit 23,000 magsasaka at mangingisda gayundin ang mahigit 17,000 ektarya ng pananim.
Napaulat din ang kakulangan ng tubig na maiinom at patubig sa mga sakahan sa 6 na barangay sa Himamaylan, Negros Occidental simula pa noong Disyembre ng nakalipas na taon.
Dahil naman sa limitadong suplay ng tubig, nagpatupad ang Zamboanga city ng pagrarasyon ng mga tubig sa west coast at central areas.
Kasalukuyang ipinaiiral ang state of calamity sa Bulalacao, Oriental Mindoro sa gitna ng pagtigang na ng mga sakahan at ilog at nakaapekto sa suplay ng tubig at sa mga agri products.