-- Advertisements --

Tumaas pa ang halaga ng pinsalang iniwan ng bagyong Paeng sa sektor ng agrikultura.

Iniulat ng Department of Agriculture (DA), nasa humigit kumulang P1.33 billion ang pinsala at nawala dahil sa pinsala sa agrikultura sa Cordillera Administrative Region, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol region, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, at Soccsksargen.

Apektado dito ang nasa 64,607 ektarya ng lupa, nakapagtala din ng 66,963 metric tons ng volume of production loss at nasa mahigit 53,000 magsasaka at mangingisda naman ang apektado.

Matinding nasalanta ang rice sector dahil sa bagyo kung saan apektado dito ang 63,930 ektarya ng lupa na may humigit kumulang sa P1.23 billion ang naitalang halaga ng pinsala.

Nasa P60 million naman ang halaga ng high value crops at P5.59 million halaga ng mais ang nasira.

Sa sektor ng fisheries, umaabot sa P16 million ang halaga ng pinsala partikuar na sa fish ponds at cages, seaweed farms at non-motorized at municipal fishing boats.

Sa sektor naman ng livestock at poultry, iniulat ng DA na nasa mahigit 1,000 mga hayop ang nawala dahil sa bagyo.

Samantala, pinayuhan naman ang mga agricultural workers na maaaring mag-avail ng loans ng hanggang P25,000 na pwedeng bayaran sa loob ng tatlong taon nang walang interes sa pamamagitan ng Survival and Recovery Loan Program mula sa Agricultural Credit Policy Council.