-- Advertisements --

Hinatulang guilty ang isang Filipino na nakabase sa Los Angeles, matapos makita ng federal court sa Boston ang mga ebidensya sa pag-setup nito ng mahigit 300 fake marriage para tulungan ang mga dayuhang mamamayan na makakuha ng “green card” o legal permanent resident status sa United States.

Ayon sa US attorney’s office, si Engilbert Ulan, 42, ay hinatulan ng conspiracy to commit marriage fraud at immigration document fraud.

Siya ang ika-10 nasasakdal na nahatulan sa kasong ito.

Nabatid na si Ulan at ang kaniyang mga kapwa akusado ay inaresto at kinasuhan noong nakaraang taon ng conspiracy to commit marriage fraud at immigration document fraud.

Ang naturang Pinoy ay nakatakdang masentensiyahan sa Marso 6, 2024.

Nahaharap siya ng hanggang limang taon sa bilangguan, tatlong taon ng parole at multa na $250,000 o katumbas ng P14,000,000.

Ang isa pang Filipino na nakabase sa LA na si Marcialito Biol Benitez, 49, ay umamin ng guilty noong Setyembre 27.

Si District Court Judge Denise J. Casper ay nakatakdang maglabas ng sentensiya sa Enero 10, 2024.

Si Benitez ang umano’y nagpatakbo ng fraud agency sa Korea town district ng Los Angeles.

Naningil umano ang ahensya nito ng $20,000 hanggang $30,000 na binayaran ng cash.

Nagsumite rin umano ito ng mga mapanlinlang na dokumento ng kasal at immigration, kabilang ang mga maling pagbabalik ng buwis, at nag-recruit ng mga mamamayan ng US para pakasalan ang mga kliyente ng ahensya.

Ang ahensya ay iniulat na nagsagawa ng mga seremonya ng kasal sa mga kapilya at parke, pagkatapos ay isinumite ang mga larawan upang makatulong na mapatotohanan ang mga petisyon sa immigration na nakabatay sa kasal sa US Citizenship and Immigration Services (USCIS), ang federal agency na responsable sa pagbibigay ng legal na katayuan ng permanenteng residente.