Wala umanong balak ang Pinoy janitor sa Canada na huminto sa pagtatrabaho sa kabila ng pagiging instant millionaire matapos masungkit ang jackpot prize sa Lotto 6/49 draw sa naturang bansa noong nakaraang buwan.

Nabatid na napanalunan ng Pinoy na si Vito Halasan ang 7 million Canadian dollars (katumbas ng P272 million), base sa British Columbia Lottery Corporation.

Mistula namang regalo ang pagkapanalo ng nasabing Filipino janitor dahil nakuha nito ang anim na winning numbers, ilang araw matapos ang 58th birthday nito.

“He sat me down at the table and then he whispered really quietly to me that he won $7 million dollars. I didn’t believe him. We had to check online several times,” kuwento ng anak nitong babae.

Si Halasan na mayroong tatlong anak at apat na apo ay hangad na mabigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya mula nang mag-migrate sa Canada, 10 taon na ang nakakaraan.

Samantala, sinasabing plano lang daw nito na bawasan ang work hours kaysa tuluyang iwan ang pagiging janitor.