BAGUIO CITY – Patuloy na tumutulong sa mga nakakaranas ng hirap dahil sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic ang ilan pang mga personalidad sa bansa.
Isa na rito si Direk Paul Singh Cudail na nakahanap ng kakaibang paraan para lalo pang mabigyan ng suporta ang mga taong apektado ng krisis.
Sa panayam ng Star FM Baguio kay Direk Paul, sinabi nitong hindi niya akalaing magagamit niya sa pagtulong ang kanyang kinikita mula naman sa kanyang YouTube channel na binuksan niya lang noong Pebrero.
“Nag start ako as vlogger this February lang. So nung nagkaroon na ng lockdown, marami ng tao ang nahihirapan, especially yung mga homeless na wala silang pambili ng food. Wala silang bahay. Nakita ko yung reyalidad sa lipunan natin. Sino yung mag ri-reach out sa kanila kung hindi sila makikita ng mga tao na pwedeng makatulong sa kanila? Nung nag sweldo na ko sa YouTube, first salary ko, inunti-unti ko siyang ilabas para itulong sa mga tao na pwede kong tulungan,” wika ni direk Paul.
Nagpaabot rin ito ng pagpapasalamat sa lahat ng mga patuloy na sumusubaybay sa kanyang mga vlogs dahil sila umano ang dahilan kung bakit siya nakakapagbigay ng malaking tulong sa mga nangangailangan.
“I wanna give credit sa mga subscribers ko. Walang halaga yung pagtulong. Maliit man siya o malaki, importante may nagawa ka para sa kapwa mo,” dagdag nito.