Lumalawak na talaga ang karera ng Pinay singer na base sa South Korea na si Gwyn Dorado matapos niyang gawan ng Official Theme Song ang sikat na K-drama ”My Royal Nemesis.”
Nakilala si Gwyn sa edad na 10 matapos siyang sumali sa Asias Got Talent kung saan umabot siya hanggang grand finals at nagtapos bilang isa sa Top 5 finalists, kasama ang iba pang Pinoy acts tulad ng El Gamma Penumbra at soprano na si Gerphil Flores.
Noong 2016, kinanta rin niya ang Philippine National Anthem sa huling State of the Nation Address ng yumaong dating Pangulong Noynoy Aquino.
Sa pag-usad ng kanyang karera, pumirma siya noong Pebrero 2024 ng limang taong kontrata sa South Korean agency na A.O Entertainment, na naging daan ng kanyang pagpasok sa K-music industry.
Mula noon, inilabas niya ang kantang “What If,” na naging official soundtrack ng K-drama na ToGetHer, at sinundan ito ng digital single na “Way,” bilang opisyal niyang debut sa South Korea.
Dahil dito muling pinatuyan ni Gwyn ang kanyang talento matapos sumali sa South Korean singing competition na Sing Again, isang programang nagbibigay ng panibagong pagkakataon sa mga “forgotten” o underrated singers.
Sa naturang show, umapaw ang popularidad ni Gwyn matapos palitan ang kanyang screen name na ”Dorado” na kinuha sa kanyang last name.
Umabot ang Pinay singer sa grand finals ng patimpalak at nakakuha ng pangalawang may pinakamataas na boto, liban dito ang mga natatanggap na papuri sa mga hurado na hindi makapaniwala sa kanyang galing sa pag-kanta at pagsasalita ng Korean.











