-- Advertisements --

LAOAG CITY – Isang pinay mula sa Italy ang kumpirmadong nagpositibo ng coronavirus at kasalukuyang naka-quarantine sa Samidan hospital sa Switzerland.

Sa videong ipinadala ng biktima na nagpakilalang si alyas Eliza, sa Milan, Italy siya nagtatrabaho pero isinama lamang siya ng kanyang amo sa Switzerland.

Subalit sinabi niya na noong araw ng martes, Marso 3 ay nilagnat siya, sumakit ang kanyang ulo, at namamalat ang kanyang lalamunan.

Aniya, agad siyang uminom ng gamot at kinabukasan ay sinamahan siya ng kanyang amo para magpacheck-up sa nasabing hospital.

Kwento niya, naghintay sila ng ilang araw bago nalaman ang resulta at nanlumo siya dahil positibo siya sa coronavirus.

Dahil dito, payo ni Eliza na kailangang panatilihing malinis ang katawan dahil kahit palaging gumagamit ng face mask kung hindi malinis ang katawan ay may posibilidad pa rin na mahawaan ng nasabing virus.