Iniulat ng Philippine Ambassador sa Israel na nananatiling nasa life-threatening condition ang Pinay caregiver na nasa kritikal na kondisyon kasunod ng pagtama ng missile strike ng Iran sa Rehovot, Israel nitong weekend.
Kabilang ang Pinay sa apat na Pilipinong napaulat na nasugatan nang tumama ang missile strike sa lugar.
Ayon kay Ambassador Aileen Mendiola, nagtamo ang Pinay caregiver ng severe injuries sa kaniyang puso at baga. Kasalukuyang nasa Intensive Care Unit ng Shamir Medical Center ang Pinay.
Sinabi din ng envoy na kanilang binabantayan ang kalagayan ng Pinay at may tiyansa na maipasok siya sa surgery room.
Samantala, isa pang 43 anyos na Pinay ang sumailalim sa emergency surgery at isang 44 anyos na lalaki ang nagtamo naman ng injuries sa kaniyang braso at binti matapos tumama ang missile sa kanilang tirahan noong umaga ng Hunyo 15. Kasalukuyang nilalapatan na ng lunas ang mga ito sa Kaplan Medical center sa Rehovot.
Nakikipag-ugnayan na rin ang embahada sa hospital social workers at sa local government ng Rehovot para matiyak na pagka-discharge ng mga biktima ay maililipat sila sa maayos na shelter at maibigay ang kanilang compensation at benepisyo at maayos na matulungan sa kanilang pagpapagaling.