Ipinagmamalaki at masayang inanunsyo ni Lapu-lapu City Mayor Junard Ahong Chan na sisimulan na ngayong Setyembre ang groundbreaking sa pinakaunang skyway project sa Visayas at Mindanao.
Umaasa si Chan na malaki ang magiging epekto nito sa turismo sa lungsod dahil nakakatulong ito sa pagpapadali ng biyahe ng mga lokal at dayuhang turista patungo at paalis mula sa Mactan-Cebu International Airport.
Ito rin umano ang solusyon para mapagaan ang daloy ng trapiko dahil may mga exit points ito sa iba’t ibang barangay ng lungsod para hindi na magsiksikan ang mga motorista sa mga pangunahing kalsada dahil maaari na ang mga itong dumaan sa skyway.
Ayon pa sa alkalde wala din umanong gastusin ang lokal na pamahalaan dahil ito ay isang Public-Private Partnership (PPP) project kung saan may investors na nagbuhos ng puhunan para sa pagtatayo nito.
Bukod sa walang inilabas na budget, may bahagi ng kita din umano ang lungsod mula sa toll fee ng mga sasakyan.
Maliban pa, magdadala din umano ito ng kaunlaran at trabaho para sa lungsod kung saan kukunin ang mga Oponganon para sa pagtatayo nito.