CENTRAL MINDANAO – Inatasan ni Cotabato Governor Emmylou “Lala” Taliño Mendoza ang Security Technical Working Group (TWG) ng Kalivungan Festival 2022 na palakasin ang paghahanda sa seguridad para sa 108th Founding Anniversary ng Cotabato Province na tinawag na Kalivungan Festival ngayong darating na Setyembre 1, 2022.
Kasunod ng direktiba ni Governor Mendoza isang araw na nagsagawa ng contingency Planning Workshop ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa Provincial Capitol Gymnasium, Amas, Kidapawan City.
Sinabi ni PDRRMO Research and Planning Section chief Abril Espadera na ang kanilang tanggapan kasama ang Cotabato Police Provincial Office (CPPO), Armed Forces of the Philippines (AFP) at iba pang stakeholder ay inatasan ni Mendoza na tiyakin ang kaligtasan ng pangkalahatang publiko na sasali sa iba’t ibang aktibidad sa Kalivungan.
Idinagdag din niya na ang nasabing aktibidad ay naglalayon na pahusayin ang networking at koordinasyon sa mga security team upang matiyak ang tagumpay ng pagdiriwang ng Kalivungan festival 2022.
Umaasa si Espadera na walang insidente na mangyayari sa Kalivungan festival at tatangkilikin hindi lamang ng mga Cotabateño kundi maging mga bisita.
Samantala, pinasalamatan naman ni PDRRMO Head Mercedita Foronda ang PNP, AFP, Bureau of Fire Protection, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Offices (MDRRMOs) at iba pang partner agencies sa pagtulong sa pamahalaang panlalawigan sa lahat ng pagsisikap nito lalo na sa pagsusulong ng kapayapaan at kaayusan sa lalawigan.
Ang pagdiriwang ng Kalivungan festival ngayong taon ay pormal na magsisimula sa Agosto 26, 2022 na may temang,”Matatag na Cotabato: Susulong sa anumang hamon!”