Sigurado na raw na makakatanggap ng bakuna laban sa coronavirus (COVID-19) ang Pilipinas mula sa Estados Unidos, ayon sa Malacañang.
Pahayag ito ng Palasyo matapos ianunsyo ng kompanyang Moderna sa Amerika na 95% na epektibo ang kanilang COVID-19 vaccine.
“We have firm commitments from the United States relayed to Sec. (Teodoro) Locsin by no less than Sec. (Mike) Pompeo that we will have access to COVID-19 vaccines that may be developed in the US,” ani Presidential spokesperson Harry Roque.
Bukod sa Amerika, nangako na rin daw si Chinese Pres. Xi Jinping na magkakaroon ng access ang bansa sa made-develop nilang bakuna sa COVID-19.
Pati na ang United Kingdom sa pamamagitan ng kompanyang AstraZeneca.
“Sila ay sisiguraduhin na sang-ayon sa COVAX agreement ang mga mahihirap na bansa, hindi lang mayayaman ay magkakaroon ng COVID-19 vaccine.”
Una nang sinabi ng Philippine Ambassador sa Russia na handa na rin ang Moscow na mag-produce ng COVID-19 vaccine para sa Pilipinas basta’t handa na rin ang pamahalaan na tumanggap ng bakuna laban sa coronavirus.