-- Advertisements --

MANDAUE CITY —Hindi bababa sa 10 mga bansa ang lumahok sa World Eskrima Kali Arnis Federation (WEKAF) World Championships kung saan opisyal itong binuksan kahapon, Hulyo 19 sa Cultural and Sports Complex sa lungsod ng Mandaue.

Nagpakitang-gilas ang daan-daang mga eskrimador at arnisador mula sa ilang bansang lumahok gaya ng India, Romania, Brazil, Germany, Portugal, Netherlands, Switzerland, Saudi Arabia, South Korea, United States at Pilipinas.

Bukod dito, maglalaban-laban din ang humigit-kumulang 34 na lokal na koponan at kung sino ang mananalo ang siyang kumatawan ng Pilipinas sa world championships.

Tatagal naman ang kumpetisyon ng limang araw o magtatapos sa Hulyo 24.

Matatandaan, taong 2016 nang naghost sa prestihiyosong international event ang Cebu na ginanap sa J Center Mall Convention Center sa lungsod ng Mandaue.

Noong 2018 naman, sa Hawaii ito ginanap habang ipinagpaliban naman ang 2020 edition ng WEKAF Championship dahil sa pandemya.

Samantala, batay sa partial and unofficial medal tally, nangunguna ang Pilipinas na may 48 gold, 47 silver at 51 bronze na sinundan naman ng United States na may 3 gold, 2 silver at 13 bronze habang sinundan naman ito ng South Korea at United Kingdom na may tig-iisang gold.