-- Advertisements --

Nag-uwi ng silver medal ang Pilipinas sa Women’s Sepaktakraw Doubles matapos mabigo sa Vietnam sa kanilang Gold Medal Match sa 2026 Asian Games na ginanap sa Mizuho Park Gymnasium sa Nagoya City, Japan.

Pinangunahan nina Jean Marie Sucalit, Abegail Sinogbuhain at Nelly Jay Salon ang kampanya ng Pilipinas sa laban para sa gintong medalya.

Maagang nakontrol ng Vietnam ang laro sa unang set matapos makakuha ng limang puntos na kalamangan, 8-3. Nahirapan ang Pilipinas na makahabol dahil sa agresibong opensa at matatag na depensa ng kalaban.

Hanggang sa tuluyang naselyuhan ng kupunan ng Vietnam ang unag set sa score na 15-8

Hindi nagbago ang takbo ng laro sa ikalawang set. Muling nakapagtala ng malaking kalamangan ang Vietnam at hindi na ito nabawi ng Pilipinas.

Tuluyang isinara ng Vietnam ang laban matapos manalo sa ikalawang set, 15-4, para masungkit ang gintong medalya, habang nakuha naman ng Pilipinas sa silver medal.

Bagama’t hindi nakuha ng koponan ang inaasam na ginto, naging mahalagang ambag pa rin ang kanilang silver medal sa kampanya ng Pilipinas sa 2026 Asian Games.

Sa kasalukuyang medal tally, nasa ika-17 puwesto ang Pilipinas na may kabuuang 15 medalya, na binubuo ng 2 gold, 3 silver at 10 bronze.