Muling nagpahayag ng suporta ang Pilipinas para sa soberanya, kalayaan, at territorial integrity ng Ukraine.
Ito ay matapos na bumoto ang Pilipinas ng pabor sa anim na resolusyon ng UN General Assembly Emergency Special Session sa Ukraine.
Sa isang statement, binigyang-diin ng Department of Foreign Affairs ang kahalagahan ng pagkakaroon ng komprehensibo at pangmatagalang kapayapaan sa Ukraine na alinsunod sa United Nations Charter.
Kasabay nito ay muling binigyang-diin ng ating bansaang panawagan nito sa mga kinauukulan para sa isang payapa at diplomatikong resolusyon hinggil sa nagpapatuloy na sigalot ngayon sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Kung maaalala, ang Pilipinas ay kabilang sa 140 mga bansa na nagpahayag ng pagkondena sa ginagawang paggamit ng karahasan ng Russia para sakupin ang Ukraine.
Matatandaan din na ngayong araw, Pebrero 24, ay ang ikalawang taong anibersaryo ng pag-atake ng tropa ng militar ng Russia sa Ukraine.