-- Advertisements --

Inihayag ng isang grupo ng mga Digital Advocates na dumaranas ng data privacy crisis ang Pilipinas.

Sa gitna ito ng tumataas na bilang ng cyberattack na nararanasan ng ilang ahensya ng gobyerno na nagiging sanhi naman ng pagkakakompromiso ng kanilang mga data at sistema.

Ayon kay Digital Pinoys national campaigner Ronald Gustilo, ang naturang mga insidente ng hacking sa mga official website at data ng ilang ahensya ng pamahalaan ay malaking pruweba na aniya na nakakaranas ng data privacy crisis ang ating bansa bagay na dapat aniyang matugunan agad.

Bukod dito ay ipinunto rin ni Gustilo na dapat na pagpaliwanagin ang mga banking institution sa Pilipinas upang imbestigahan kung bakit nagagawang makuha ng scammers ang mga importanteng impormasyon ng account holders.

Marami na kasi aniyang mga insidente na naitatala ang mga otoridad kaugnay sa mga ulat na maraming mga Filipino bank account holder ang nabibiktima na rin ng scam messages at calls, kung san maging ang mga credit card information ng mga account holder ay batid na rin ng mga kriminal.

Samantala, bukod dito ay isinusulong din ng Digital Pinoys ang pagsasagawa ng audit sa cybersecurity infrastructure of banking institutions upang alamin ang weak points ng mga ito.

Mahalaga kasi anila na malaman at makita ng mga banking institutions kung saan sila pinaka-vulnerable upang maiwasan na ang ganitong uri ng mga hacking incident at hindi na makapang-biktima muli ng ating mga kababayan.