-- Advertisements --
ASTRAZENECA SIGNING CONCEPCION GALVEZ
IMAGE (L-R) | Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion, Vaccine czar Sec. Carlito Galvez, and AstraZeneca country Pres. Lotis Ramin signing the agreement for vaccine procurement/Screengrab, GoNegosyo/Facebook

Ipinaliwanag ng isang vaccine expert ang kahalagahan ng pagbibigay ng “advance market commitment” ng isang bansa sa mga kompanyang gumagawa ng bakuna laban sa COVID-19.

Pahayag ito ng eksperto matapos lumagda ng kasunduan ang pamahalaan at pribadong sektor sa British biopharmaceutical company na AstraZeneca para sa 2.5-billion dose ng kanilang COVID-19 vaccine.

Ayon kay Dr. Lulu Bravo, founding president at executive director ng Philippine Foundation for Vaccination (PFV), mahalaga ang maagang kasunduan para tiyak na makakatanggap ang estado ng vaccine supply.

“Sa ngayon nag-uunahan ang mga bansa na makakuha ng unang lalabas na bakuna dahil sa danger, dami ng namamatay at nagkakasakit. So hindi natin alam, kapag nahuli ka sa pagbibigay ng advance market commitment, posible kang mahuli (sa supply ng vaccines),” ani Dr. Bravo sa Malacanang press briefing.

“Even WHO is trying to give an equity. Ang sabi nila, sige tig-10% muna sa bawat country kapag may nakita silang bakuna,” dagdag ng kilalang vaccine trialist.

Ang pagbibigay ng maagang commitment ng isang bansa sa vaccine developers ay dapat daw na naka-depende sa resulta ng kanilang Phase 1 at Phase 2 trials, pati na sa payo ng mga eksperto.

Aminado si Dr. Bravo na hindi pa kayang maging agresibo ng pamahalaan tulad ng Amerika, kaya dapat magtiwala ang publiko sa pag-aaral na gagawin ng mga eksperto.

Nilinaw ng opisyal na dumadaan pa sa layer ng National Immunization Technical Advisory Group ang pag-aaral ng isang bakuna matapos mapili ng Food and Drug Administration (FDA).

“Ang Amerika dahil gusto nila na mapabilis ang development, naglagak ng P2-billion sa Moderna. March pa lang nagsimula na sila mag-trial, ang US nagbigay na agad kahit hindi pa tapos ang trial. Ngayon nasa Phase 3 na at nag-apply ng emergency use of approval.”

“Hind tayo ganyan kabilis, so tayo susunod na lang muna… ang ating FDA, pagkatiwalaan natin ang ating scientists na bago sila magbigay ng go signal sa bakuna, kanila ‘yang in-investigate,” dagdag ni Dr. Bravo.

Sa ngayon ang mga bakunang gawa raw ng Pfizer, Moderna, at Johnson & Johnson ng Amerika; at AstraZeneca ng United Kingdom ang nakapaglalabas ng impormasyon tungkol sa kanilang Phase 3 trials.

Ang Sinovac Biotech ng China at Gamaleya Research Institute ng Russia naman ay resulta pa lang ng kanilang Phase 1 at Phase 2 ang inilalabas sa publiko.

Magugunitang inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon na pumasok sa isang “advance market commitment” ang bansa para sa bakuna ng COVID-19.