Nilagdaan na ng Pilipinas at Indonesia ang mga prinsipyo at alituntunin na maglalatag ng pundasyon para sa delimitation ng kanilang continental shelf boundary.
Sa state visit ni Pangulong Ferdinand Marcos sa Jakarta noong nakaraang buwan, tinalakay at tinukoy nito at ng Pangulo ng Indonesia na si Joko Widodo ang continental shelf boundary bilang pangunahing prayoridad ng kani-kanilang pamahalaan.
Inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA), ang mga dokumento, na pinamagatang “The Principles and Guidelines,” ay sabay-sabay na nilagdaan sa pamamagitan ng video conference ni Assistant Secretary Maria Angela Ponce ng Maritime and Ocean Affairs Office ng DFA at Ambassador Andreano Erwin, director for Legal Affairs and Territorial Treaties ng Ministry of Foreign Affairs.
Muling pinagtibay ng dalawang pangulo na isasagawa ang negosasyon ng continental shelf boundary delimitation alinsunod sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Ang mga Foreign Ministers na si Enrique Manalo at ang kanyang counterpart na Indonesian na si Retno L.P. Marsudi ay muling pinagtibay ang negosasyon ng continental shelf boundary sa pagitan ng kanilang mga bansa sa sideline ng UN General Assembly noong nakaraang buwan.
Ang Pilipinas at Indonesia ang dalawang pinakamalaking archipelagic state sa mundo.
Nagkasundo ang dalawang bansa na limitahan ang kanilang mga exclusive economic zones noong 2014.