-- Advertisements --
DA swine pigs ASF butchery
Photo courtesy from Department of Agriculture

Inalis na ng Department of Agriculture (DA) ang pansamantalang pagbabawal sa pag-import ng mga baka at karne mula sa bansang Brazil.

Ito’y halos isang linggo matapos ipataw ang moratorium sa pag-import sa gitna ng mga alalahanin sa mad cow disease.

Sa isang memorandum order, sinabi ng ahensya na ang Brazil ay napigilan na ang pagkalat ng mad cow disease at walang karagdagang outbreak na naitala pagkatapos ng mga nakaraang linggo.

Kung matatandaan, ang Department of Agriculture ay nagpataw ng isang pansamantalang pagbabawal sa pag-import na sumasaklaw sa mga baka at mga produkto ng karne gayundin ang bovine processed animal protein na nagmula sa Brazil.

Ang pagbabawal ay upang maiwasan ang pagkalat ng mad cow disease sa Pilipinas, na nauugnay sa iba pang variant nito na kung makonsumo ng tao ay maaaring humantong sa dementia o kamatayan.

Una nang inihayag ng mga opisyal na naipapasa ang mad cow disease sa pamamagitan ng karne ng baka na positibo sa nasabing sakit.