-- Advertisements --

Ini-enjoy lamang ni Binibining Pilipinas 2019 Gazini Ganados ang nararamdamang pressure para sa paglaban sa Miss Universe ngayong taon.

Ayon sa 23-year-old Fil-Palestinian model na tubong Dapitan City sa Zamboanga pero lumaki sa Cebu, ayaw niyang panghinaan ng loob sa gitna ng Miss Universe pageant journey kaya iniiwasang seryosohin ang mga bagay-bagay.

Gayunman, itinuturing ng pambato ng bansa sa Miss Universe na “good thing” ang pressure na maibigay sa bansa ang back-to-back win kasunod ni Catriona Magnayon Gray at kanya itong ipinapaubaya sa Diyos.

“If I take things too seriously, I might somehow collapse in the middle of the way so parang I’m just trying to enjoy my journey. I just trust the process, most especially trust up above,” ani Ganados.

Nabatid na ngayong buwan na ang simula ng puspusang training ni Gazini kung saan sentro ay ang magiging diskarte sa question and answer portion at ang pasarela o runway walk.

“She needs to devote more time sa Q and A pero I’m very happy na comfortable na siya dealing with people and organizing her thoughts,” saad ng kanyang mentor at Kagandahang Flores chief na si Rodgil Flores sa ABS-CBN.

Kahapon ay nag-courtesy call ang Cebuana beauty kay Manila Mayor Isko Moreno kung saan ipinaabot ng beauty queen ang kanyang suporta sa alkalde na mayroon ding concern sa mga senior citizen.

Wala pang final venue kung saan gaganapin ang 2019 Miss Universe pero sa panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni dating Ilocos Sur Gov. Chavit Singson na kabilang ang United Arab Emirates at South Korea sa mga nagtutunggalian para sa hosting.

Ang half Pinay model ay nag-iisang anak ng kanyang single mother at hindi pa kailanman nakilala ang ama na isang Palestinian.

Dahil dito ay lumaking malapit sa kanyang mga lolo at lola si Ganados na naging dahilan upang piliin niya ang mga matatatanda sa kanyang advocacy.

Nabatid na sumali na siya sa Miss World Philippines 2014 at iba pang local pageants.