-- Advertisements --

Bukas ang Philippine Red Cross (PRC) sa ideya na ipagamit ang kanilang mga isolation facilities bilang sites para sa clinical trials sa paggamit ng anti-parasitic drug na ivermectin sa COVID-19 treatment sakaling sabihin ng Food and Drugs Administration (FDA) na hindi ito mapanganib sa mga pasyente.

Ayon kay PRC Chairman at Senator Richard Gordon, nakipag-ugnayan na sa PRC ang mga researchers sa clinical trials na ito hinggil sa posibilidad na magamit nila ang mga pasilidad ng PRC.

Sinabi ng Department of Science and Technology (DOST) na tututok ang mga clinical trials na ito sa mga non-severe COVID-19 patients na asymptomatic o mayroong mild at moderate na sintomas.

Maaring magsimula ang clinical trials na ito sa katapusan ng Mayo hanggang Hunyo, habang ang resulta naman ay inaasahang mailalabas sa 2022, dipende pa sa bilang ng mga pasyenteng magboboluntaryo sa pag-aaral na ito.