-- Advertisements --

Ikinokonsidera raw ng bansa na mag-donate ng mga Coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccine sa bansang Myanmar at African countries.

Ayon kay Health Undersecretary Myrna Cabotaje, ang mga ido-donate naman daw na bakuna ay ang mga malapit nang mag-expire.

Tiniyak naman ni Cabotaje na mayroon silang sapat na bakuna kayat mas maiging i-donate na ang mga ito bago pa masira.

Tuloy-tuloy naman daw ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Department of Foreign Affairs (DFA) para sa kanilang plano.

Sinabi ni Cabotaje na hiniling na rin daw ng Department of Health (DoH) sa mga manufacturers na palawigin ang shelf life ng mga bakuna.

Sa sandaling ma-extend daw ang shelf life ng mga bakuna ay agad nilang hihilingin ang approval dito ng Food and Drug Administration (FDA).

Una na rin daw nilang ginawa na nag-request sa mga regulatory department ng mga manufacturer kung pwedeng i-extend ang shelf life.

Ngayong buwan nasa kabuuang 69,164,769 na bakuna na para sa first doses ang naiturok habang 63,690,890 Filipinos na ang fully vaccinated.

Nasa kabuuang 10,554,093 booster doses naman ang naiturok sa ating mga kababayan.