Ipag-uutos na raw ng Philippine Olympic Committee (POC) sa kanilang ethics committee na magsagawa ng imbestigasyon sa isyung kinasasangkutan ng pole vaulter na si Ernest John Obiena (EJ) Obiena at ang kaniyang pederasyon na Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA).
Ayon kay POC chief Abraham “Bambol” Tolentino, “hands-off” daw ang Philippine Sports Commission (PSC) sa naturang isyu pero ibang approach naman ang isasagawa ng POC para sa kanilang imbestigasyon.
Una na kasing sinabi ng PSC na makikialam lang sila kung kinakailangan.
Kailangan na raw imbestigahan ang isyu dahil sa lumalaking bangayan ng 26-anyos na si Obiena at ang national sports association.
Una rito, ang deklarasyon ni Obiena ng posibleng retirement sa peak ng kanyang career ay malaking kawalan sa Philippine sports.