-- Advertisements --

Nakikipag-ugnayan ang Department of Agriculture (DA) ng Pilipinas sa US counterpart nito para makakuha ng sample ng bakuna kontra African swine fever, na siyang dahilan kung bakit bumaba ang bilang ng mga alagang baboy na nagbunsod naman nang pagtaas ng presyo.

Ayon kay Agriculture Assistant Secretary Noel Reyes, maglalaan ng pondo ang DA para sa posibleng bakuna kontra ASF.

Magugunita na 2019 nang magsimula ang problema ng Pilipinas kontra ASF, na siyang dahilan sa culling sa higit 4 million baboy sa bansa.

Ang pagbaba ng supply ang siyang dahilan naman kung bakit sumirit ang wolesale at retail prices ng karne ng baboy.

Enero nang maramdaman ng mga mamimili ang pagtaas ng presyo ng karne ng baboy, na umabot pa sa P400 kada kilo sa mga palengke sa Metro Manila.


Bilang solusyon sa mataas na presyo, na sinisisi ng DA sa mga mapagsamantalang traders at wholesalers, naglabas si Pangulong Rodrigo Duterte ng 60-day price cap sa karne ng baboy at manok sa National Capital Region (NCR).

Sa ilalim ng EO, ang presyo ng kasim at pigue ay hindi dapat lalagpas sa P270 kada kilo, ang liempo ay P300 kada kilo, habang P160 naman ang kada kilo ng dressed chicken.

Bukod sa price ceiling, nagbigay din ng subsidy ang DA sa transportation cost ng buhay na baboy at pig carcass shipments papasok ng Metro Manila mula sa mga lugar na mayroong supply surplus.

Ayon kay Reyes, umaabot na sa mahigit 7,000 ang baboy na naipadala sa Manila, kabilang na ang 1,500 carcasses.