Tiniyak ng Philippine Consulate sa Hong Kong (HK) na natutugunan ang mga pangangailangan ng mga kababayan na kasalukuyang nasa naturang bansa sa gitna nang pagsirit ng mga COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) cases doon.
Pahayag ito ni Consul General Raly Tejada sa kasunod ng pagtanggal ng ilang employers sa mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Hong Kong.
Ayon kay Tejada, mayroon namang mga shelter ang Philippine Consulate sa Hong Kong para sa mga displaced OFWs.
Subalit dahil nga sa pagsirit ng COVID-19 cases doon, kailangan aniya nila sa ngayon ay ang pagkakaroon ng isolation facility na imi-maintain ng mga medical experts.
Dagdag nito na noong nakaraang linggo lang ay punuan ang mga isolation facilties sa Hong Kong pati na rin ang mga ospital doon.
Sa ngayon sa kanilang pagtaya, nasa tatlo hanggang 10 OFWs sa Hong Kong na nagpositibo sa COVID-19 ang sinibak sa kanilang trabaho.
Kasabay nito ay iginiit ng opisyal na bawal ang pag-terminate sa mga empleyadong may sakit.