-- Advertisements --

Masayang ibinalita ng Department of Agriculture’s Bureau of Animal Industry (DA-BAI) na idineklara na ng World Organization for Animal Health (OIE) ang Pilipinas na wala nang kaso ng A(H5N6) strain ng Avian Influenza o bird flu.

Sa isang pahayag ay ipinaabot ni DA Secretary William Dar ang kaniyang pasasalamat sa DA-BAI at local government units (LGUs) ng Pampanga at Rizal na kapwa mabilis na kumilosupang limitahan ang lalo pang pagkalat ng bird flu sa kanilang lugar.

Inilabas ni Dar ang magandang balita na ito kasabay na rin ng patuloy na pakikipaglaban ng bansa sa mababang supply ng baboy dahil sa African swine fever (ASF).

Ang mga hakbang aniya na ginawa ng gobyerno para resolbahin ang bird flu outbreak sa mga commercial layer poultry farm sa Pampanga at backyard poultry farms sa Rizal ang dahilan sa likod ng tagumpay ng Pilipinas kontra bird flu.

Nabatid kasi na wala ng ebidensya ng AI virus sa mga apektadong farms na sumailalim sa monitoring at surveillance sa loob ng 90 araw.

Ayon naman kay BAI director Ronne Domingo na natapos na rin ang paglilinis at disinfection ng mga naturang farms at nakumpleto na rin ang 35-day restocking period.

Noong Hulyo 10, 2020 nang kumpirmahin ng DA-BAI Animal Disease Diagnosis and Reference Laboratory na muli itong nakapagtalaga ng A(H5N6) virus matapos ipaalam ng may-ari ng isang commercial farm sa Pampanga ang biglang pagbaba sa produksyon ng itlog, cyanosis, at maging ang pagkamatay ng kaniyang mga alagang manok.