NAGA CITY – Umapela ngayon ang Philippine Army sa mga rebeldeng New People’s Army (NPA) na huwag nang makisawsaw lalo na ngayong nasa ilalim ng enhanced community quarantine dahil sa coronavirus disease (COVID-19).
Ito’y may kaugnayan sa nangyaring pananambang ng mga rebelde sa tropa ng pamahalaan na tutulong sana sa relief distribution sa lalawigan ng Masbate kasabay ng Biyernes Santo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Capt. John Paul Belleza, chief ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 9th Infantry Division, Philippine Army, nanawagan ito sa mga rebelde na tigilan na ang mga pang-aatake sa gitna ng kasalukuyang krisis sa bansa.
Ayon kay Belleza, mas mabuting sumuko na lamang at makipagtulungan sa pamahalaan para matiyak ang seguridad at buhay ng mga mamamayan.
Naniniwala naman si Belleza na posibleng may plano ring kumuha ng mga relief goods ang mga rebelde kagaya ng mga naitala sa ibang mga lugar.
Kung maaalala, araw ng Byernes, patungo sana sa isang lugar sa Masbate ang mga kasundaluhan at kapulisan ng biglang paulanan ng bala ng baril ng mga rebelde.
Kaugnay nito, agad na gumanti ang mga militar ngunit tiniyak ni Belleza na walang nasugatan lalo na sa mga kasamang sibilyan ng mga otoridad.