-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Inihayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang na-monitor na patuloy na pamamaga o paglaki ng lava dome sa bulkang Mayon sa Albay.

Ayon kay PHIVOLCS Resident Volcanologist Dr. Paul Alanis sa panayam ng Bombo Raydo Legazpi, wala pa namang inilalabas na lava ang bulkan sa ngayon subalit patuloy ang paglaki ng lava dome.

Aniya, nasukat ito sa 62,000 cubic meters mula sa 40,000 cubic meters noong buwan ng Agosto.

Nilinaw naman ng opisyal na halos walang na-monitor na mga volcanic earthquakes na indikasyon na walang bagong umaakyat na magma at ang inilalabas ng bulknang Mayon ay ang mga naiwan pa noong 2018 eruption.

Sa kabila nito ay ipinangangamba ang pagtipak ng lava dome at pagkakaroon ng pyroclastic flows sa loob ng 6 km permanent danger zone.

Dagdag pa ni Alanis na mayroon ring nakikitang faint crater glow tuwing gabi sa bunganga ng bulkan subalit nananatiling mababa ang ibinubugang sulfur dioxide.

Samantala sa kasalukuyan ay hindi pa umano maaaring ibaba ang nakataas na alert level 2 status ng Mayon volcano dahil sa patuloy na aktibidad nito habang wala ring indikasyon na dapat na itaas ang alerto.