-- Advertisements --
cropped smog indonesia 3

Nilinaw ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na hindi sinyales ng posibleng biglaang pagsabog ng bulkang Taal ang naobserbahang volcanic smog sa mga nakalipas na araw.

Paliwanag ni Phivolcs Director Dr. Teresito Bacolcol, kombinasyon ng magkakaibang factors na maaring magresulta sa pagsabog ng bulkan.

Isa na dito ay dapat na tignan ang seismicity sa bulkan kung saan ayon sa opisyal walang naitalang lindol sa Taal sa nakalipas na apat na araw.

Sa kasalukuyan, bumuti na ang sitwasyon sa probinsiya ng Batangas dahil kumunti na rin ang amount ng volcanic fog o vog dulot ng mga aktibidad ng bulkang Taal batay na rin sa momitoring ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMO).

Samantala, ayon kay Dir. Bacolcol, posibleng mag-trigger sa pagsabog ng bulkang Taal ang malakas na lindol o ang the big one mula sa West Valley Fault.

Subalit posibleng hindi mangyari ito hanggang sa 2058 dahil ang paggalaw ng west valley fault ay nangyayari tuwing 400 hanggang 600 taon kung saan ang pinakahuling paggalaw nito ay naitala noon pang 1658.

Tiniyak naman ng Phivolcs director na hindi kailangang magpanic dahil walang nadedetect sa ngayon na anumang eruption indicators mula sa bulkang Taal.

Mas handa na rin aniya ang mga tao sa epekto ng the big one kumpara noong nakalipas na 20 hanggang 30 taon kung saan malaking tulong dito ang pagpapataas ng kamalayan ng publiko pagdating sa lindol sa pamamagitan ng quarterly earthquake drills.