-- Advertisements --

LEGAZPICITY-Hindi inaalis ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang posibilidad na magkaroon ng biglaang pagputok sa Bulkang Bulusan dahil sa mga nakikitang pagbabago sa aktibidad nito.

Ito matapos na itaas sa Alert level 1 status mula sa ‘normal level’ ang Bulusan volcano sa lalawigan ng Sorsogon.

Nilinaw ni Resident Volcanologist April Duminguiano ng Bulusan Observatory sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, walang nangyaring phreatic eruption sa nakalipas na mga araw subalit nakita ang pagtaas ng mga volcanic earthquakes batay sa monitoring ng mga instrumento ng ahensya.

Kaugnay nito, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa 4 km permanent danger zone upang maiwasan ang anumang hindi inaasahang pangyayari.

Samantala, patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng PHIVOLCS sa mga lokal na pamahalaan sa Sorsogon upang mailatag ang mga plano na kinakailangang ipatupad bilang bahagi ng paghahanda sa pinangangambahang aktibidad ng bulkan. V

Sa pinakahiling tala ng ahensya ay umakyat pa sa 313 ang volcanic earthquake na na-monitor sa Bulusan Volcano.

Maaalala na maliban sa bulkang Bulusan ay kasalukuyang nakataas rin ang alert level 2 status sa bulkang Mayon sa lalawigan ng Albay.