-- Advertisements --

Bubuksan na ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang registration process nito para sa Philippine Identification System (PhilSys) project para sa publiko.

Ayon kay Deputy National Statistician at PSA Assistant Secretary Rosalinda Bautista, sisimulan ito sa mga probinsya sa Enero 18, araw ng Lunes.

Target ng ahensya na irehistro ang nasa 50 hanggang 70 milyong Pilipino bago matapos ang taong 2021.

Sa ngayon ay nagsasagawa ang PSA ng small-scale at gradual rollout ng Step 2 PhilSys registration para sa mga indibidwal na tapos nang sumailalim sa Step 1.

Sa Step 2 registration process kasi ay kakailanganin ng validation ng mga supporting documents at pagkuha ng biometric information ng isang indibidwal, tulad na lamang ng fingerprints, iris scans, at litrato sa mga registration centers.

Umabot na ng 200 registrants ang una nang nabigyan ng personal serial number (PSN).

Dagdag pa ni Bautista na posibleng isagawa ang mass rollout ng Step 2 process sa susunod na buwan.

Noong Oktubre 12, 2020 ay unang isinagawa ng PSA ang Step 1 ng PhilSys pre-registration para sa mga Pilipino na may mababang kinikita na naninirahan sa 664 na syudad at munisipalidad sa 32 probinsta na itinuturing bilang “low-risk” areas laban sa coronavirus disease.

Samantala, inihahanda na rin ng ahensya ang plano nito na irehistro sa PhilSys ang mga overseas Filipino workers (OFWs) gayundin ang mga Pilipino na naninirahan na sa ibang bansa at may dual citizenship.