-- Advertisements --
philippine contingent

Babalik na ang Philippine Inter-Agency Humanitarian Contingent (PIAHC) bukas ng gabi, Pebrero 28, halos tatlong linggo mula nang simulan nito ang search ang rescue operation pagkatapos ng isang magnitude 7.8 na lindol noong Pebrero 6 sa Turkey.

Lumabas sa advisory na inilabas ng Department of National Defense (DND) na darating ang 82-member na Philippine Inter-Agency Humanitarian Contingent sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa dakong alas-10 ng gabi.

Bago ito, nagsimulang mag-decamping ang contingent noong Pebrero 25 sa Adiyaman, isang probinsya sa southern turkey kung saan ginawa ang Search and Rescue Operation.

Mula nang magsimulang mag-operate ang contingent kamakailan, tinasa ng pangkat ng Urban Search and Rescue (USAR) ng Philippine Inter-Agency Humanitarian Contingent ang 36 na gumuhong gusali at nakuha ang anim na bangkay na biktima ng malakas na lindol.

Sinabi ng Office of Civil Defense (OCD) na gumawa ng exit call ang team kasama ang ambassador at coordinator para sa international relief pagkatapos ng kanilang operasyon.

Ang mga miyembro umano ng naturang contingent ay binigyan ng liham ng pasasalamat bilang pagkilala sa kanilang pagsisikap sa pagtulong sa bansang nakaranas ng magnitude 7.8 na lindol.