Tiniyak ngayon ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na nakahanda nilang tulungan ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na maaapektuhan ng pagsuspinde ng bansa sa deployment ng mga Pinoy sa India.
Ang suspension ng deployment sa India ay matapos ideklara ng Department of Foreign Affairs (DFA) na non-compliant ang naturang bansa.
Pagtitiyak ng ahensya na nakahanda naman ang Embahada ng Pilipinas na tulungan ang mga OFWs sa India sakaling mangailangan ang mga ito ng tulong para sa welfare case.
Ayon kay Philippine Overseas Employment Administration Officer-in-Charge Bernard Olalia, pinuna ng Philippine Embassy sa New Delhi ang India sa hindi pagsunod nito sa inilatag na tatlong kondisyon ng Pilipinas para sa deployment ng ating kababayang OFWs doon.
Ilan sa mahahalagang kondisyon na ito ay ang bilateral labor agreement sa India subalit sa kasamaang palad walang ganitong kasunduan ang bansa sa india.
Dagdag pa ng opisyal na hindi rin lumagda o rumatipika ang India sa 1990 UN Convention in the protection of the Rights of Migrant Workers sa kabila ng pagpapahayag nito ng suporta. Bukod pa dito , wala rin aniyang domestic laws ang India para protektahan ang karapatan ng manggagawang migranteng Pilipino.
Ayon sa POEA nasa humigit kumulang 2,000 OFWs ang nasa india kung saan karamihan ay mga professional at skilled worker.