-- Advertisements --
pnp chief azurin

Binigyang-diin ni Philippine National Police chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. na hindi totoong hostage taking ang nangyari sa munisipalidad ng Pandag, Maguindanao Del Sur.

Ito ay matapos na kumalat ang mga video ni former Maguindanao governor and representative Esmael “Toto” Mangudadatu na nagpapakita na mayroon umanong komosyon sa tanggapan ni Vice Mayor Zihan Mangudadatu dahil sa umano’y pag atake sa kaniya ni Governor Mariam Mangudadatu. 

Paliwanag ni PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr., nagkaroon lamang aniya ng tension sa pagitan ng dalawang Mangudadatu dahil sa conflicting resolution na inilabas ng Commission on Elections at Regional Trial Court hinggil sa kung sino talaga ang dapat maupo bilang mayor ng nasabing lugar. 

Aniya, sa ngayon ipinag-utos na ni Interior Secretary Benjamin Abalos Jr. ang pagpapanatili ng status qou sa dalawang panig upang maiwasan nang magkasakitan ang mga ito. 

Dagdag pa ni Azurin, nagdirektiba na rin aniya siya kay regional director ng Bangsamoro Autonomous Region na si PBGen. John Guyguyon na bigyan ng seguridad mula sa pambansang pulisya ang dalawang Mangudadatu para na rin maiwasan na muling magkaroon ng tensyon sa pagitan ng mga ito. 

Sa kasalukuyan ay hinihintay pa rin ng mga kinauukulan ang opisyal na resolusyon ukol sa nasabing usapin, o kung alin ba ang dapat na paniwalaan sa pagitan naman ng Commission on Elections at Regional Trial Court sa kung sino talaga ang dapat na maupo bilang mayor ng Maguindanao del Sur.