Natukoy na ng Philippine National Police ang pagkakakilanlan ng umano’y middleman sa kasong pagpatay sa mamamahayag na si Percy Lapid.
Sa isang pahayag ay sinabi ni PNP officer in charge at PNP Office of the Deputy Chief for Administration Police Lt. Gen. Rhodel Sermonia na kasalukuyan nang iniimbestigahan ng Special Investigation Task Group (SITG) Lapid ang itinurong middleman ng self-confessed gunman na si Joel Escorial sa kaniyang naging salaysay.
Ayon kay Gen. Sermonia ang naturang middleman ay kasalukuyang nasa isang detention facility sa Metro Manila at kasalukuyang kumakaharap sa kasong may kaugnayan sa ilegal na droga.
Sa ngayon ay hindi pa aniya nila matukoy kung ang nasabing middleman ang mismong utak din sa nasabing pamamaril ngunit kasalukuyan na raw na gumugulong ang imbestigasyon ngayon ng pulisya ukol dito upang malaman na rin ang background at relasyon sa umaming suspek sa naturang kaso.
Una rito ay sinabi na rin ng mamamahayag at kapatid ng biktima na si Roy Mabasa sa panayam ng Bombo Radyo Philippines na sana ay mabigyang proteksyon ng kapulisan ang natukoy na middleman lalo na’t mahalaga ang kaniyang bahagi upang maituro na kung sino talaga ang mastermind sa nasabing krimen.