-- Advertisements --

Nakikipag-ugnayan na rin ang Philippine National Police (PNP) sa New Bilibid Prison (NBP) para ma-secure ang tatlo pang inmates na nag-utos umano na ipatumba ang mamamahayag na si Percy Lapid na pinangalanan ng kapatid na babae ng nasawing middleman.

Ayon kay Police Brig. Gen. Kirby John Kraft, director ng Southern Police District at head ng Special Investigation Task Group (SITG) Percy Lapid na nagpadala na ng isang team ng mga pulis sa NBP para suriin kung nasa loob pa ng piitan ang sinasabing tatlong “commanders” na isiniwalat bago mamatay ng middleman na si Crisanto Villamor.

Ang pangalan ng itinuturong tatlong commanders ay pinaniniwalaang mga lider ng gangs sa loob ng Bilibid.

Batay sa report, nagpadala ng text message si Villamor sa kaniyang kapatid na babae ilang oras bago ito masawi kung saan sinabi nito na nararamdaman niyang may masamang mangyayari kasabay ng pagsuko ng self-confessed gunman na si Joel Escorial.

Una ng ipinag-utos ni PNP chief Rodolfo Azurin sa mga concerned police commanders na i-secure ang pamilya ni Villamor na nasa probinsiya gayundin ang pamilya Mabasa matapos isiwalat na nakakatanggap sila ng mga pagbabanta sa kanilang buhay.