Nagpasaklolo ang Philippine National Police (PNP) sa iba pang ahensya ng gobyerno upang matiyak ang seguridad ng mga manggagawa sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Sa gitna ito ng pagdami ng mga napapaulat na mga kaso ng kidnapping at iba pa na may kaugnayan sa mga POGO workers.
Pag-amin ni PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. , nahihirapan din ang pulisya na i-trace ang mga dayuhang biktima ng kidnapping na kapwa kalahi rin nila ang salarin.
Ito ay sa kadahilanang walang record ang PNP sa mga indibidwal na pumapasok sa bansa para magtrabaho sa POGO.
Dahilan kung bakit talaga aniyang kinakailangang makipag-ugnayan ng pulisya sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) bilang ito ay ang licensed POGO operator sa bansa.
Gayundin sa Bureau of Immigration, upang mamonitor naman ang bilang at pagkakakilanlan ng Chinese nationals na pumapasok sa Pilipinas.
Matatandaan na una nang iniulat ng PNP-Anti Kidnapping Group na mula noong buwan ng Enero , taong kasalukuyan ay nasa 27 kaso ng kidnapping na ang kanilang naitatala na karamihan ay may kaugnayan sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).