Magpapatupad ng mas mahigpit na hakbang ang Philippine National Police (PNP) sa loob ng Custodial Center sa Camp Crame kasunod ng madugong hostage-taking noong Linggo ng umaga na humantong sa pagkamatay ng tatlong preso at nakompromiso ang kaligtasan ni dating senador Leila de Lima.
Isa sa mga pagbabago, ayon kay PNP chief Gen. Rodolfo Azurin, Jr., ay ang pagpapatupad ng buddy system sa pamamahagi ng rasyon ng pagkain sa mga preso.
Sinamantala ng tatlong preso ang pagkakataon na sunggaban at saksakin ang isang pulis na mag-isang namamahagi ng rasyon ng pagkain.
Nasa kritikal na kondisyon ang sugatang pulis matapos magtamo ng maraming saksak.
Isa pa, ayon kay Azurin, ay mas mahigpit na mga hakbang sa pagtiyak na walang bagay na mapapalusot sa loob ng detention facility na maaaring gawing armas.
Sa kaso ng Sunday hostage-taking, gumamit ng tinidor ang mga preso na ginawang improvised na kutsilyo.
Ito ang ginamit na sandata sa pananaksak sa pulis at sa hostage-taking na kinasangkutan ni De Lima.
Gayunpaman, sinabi niya na ang mga oras ng pagbisita ay dapat na ipagpatuloy sa lalong madaling panahon upang mabigyan ang mga kaanak ng mga preso sa loob na suriin ang kalagayan ng kanilang mga kamag-anak na nakakulong sa loob ng Custodial Center.