Bumuo ang Philippine National Police (PNP) ng task force para mapabilis ang imbestigasyon sa pagpatay sa isang broadcaster sa Las Piñas City noong Lunes ng gabi.
Sinabi ni PNP chief Gen. Rodolfo Azurin, Jr. na inatasan na niya ang Las Piñas City police na pangunahan at i-coordinate ang investigative at prosecutorial efforts ng PNP para mabigyan ng hustisya si Percy Mabasa, na kilala bilang Percy Lapid.
Si Lapid ay isang hard-hitting broadcast journalist na kilala sa pagpuna sa mga pang-aabuso ng mga nasa kapangyarihan at mga iregularidad sa gobyerno.
Binaril siya dakong alas-8:30 ng gabi sa kahabaan ng Aria Street sa Barangay Talon 2 San Beda Homes sa Las Piñas City.
Batay sa salaysay ng mga saksi, sakay ng motorsiklo ang gunman ngunit tila inalalayan ng hindi pa nakikilalang lalaki sakay ng puting sports utility vehicle.
Batay sa ulat, ang sasakyan ni Lapid ay sadyang nabangga ng puting SUV mula sa likuran at makalipas ang ilang segundo ay dalawang beses siyang pinagbabaril ng gunman na sakay ng isang motorsiklo.
Narekober sa lugar ng pagpatay ang dalawang basyo ng baril.
Sa isang pahayag, sinabi ng PNP na ang unang tugon na ginawa ay ang paghahanap sa mga CCTV sa mga lugar sa hangaring makakuha ng clue sa pagkakakilanlan ng mga suspek.