-- Advertisements --

ILOILO CITY – Inamin ng Philippine National Police na hindi madali na maitigil ang child prostitution sa Iloilo.

Ito ay kasunod ng nadiskubreng sex den sa ikalawang palapag ng Iloilo Terminal Market sa lungsod ng Iloilo kung saan ibinubugaw ng isang bakla ang mga menor de edad.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Police Lt. Col Joem Malong tagapagsalita ng Police Regional Office 6, sinabi nito na kahit ilang beses na nilang na- rescue ang mga kabataang naging biktima ng child prostitution sa tulong na rin ng Department of Social Welfare and Development, bumabalik pa rin sila sa dati nilang gawain na pagbebenta ng laman dahil na rin sa pera na kinikita nila.

Ayon kay Malong ginagawa nila ang lahat para patuloy na mapigilan ang pagdami ng mga biktima ng child prostitution sa pamamagitan ng paglagay anti-trafficking in persons desks sa mga police stations na nagsasagawa ng intelligence at rescue operations sa mga menor edad na nagbebenta ng laman at biktima ng child prostitution.

Ani Malong, responsibilidad pa rin ng mga magulang na bantayan at gabayan ang kanilang mga anak.

Nauna nang itinanggi ni Punong Barangay Woody Delariarte, dating presidente ng Vendor’s Association sa Iloilo Terminal Market ang presensya ng nasabing sex den.

Ayon kay Delariarte, napagkamalan lang na sex den ang pahingahan ng mga trabahador at kanilang mga partner sa taas ng bawat stall sa loob ng palengke.