
Iginiit ni Philippine National Police chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. na hindi magrerekomenda ang pulisya ng tigil putukan o Suspension of Police Operations sa mga kasapi ng New People’s Army ngayong Holiday Season.
Ipinahayag ito ni Azurin kasunod ng kamakailan lang na insidenteng kinasangkutan ng nasabing grupo kung saan naging sugatan ang limang sundalo na kabilang sa Mobile Community Support and Sustainment Program team ng 20th Infantry Battalion ng Philippine Army.
Bagay na nangangahulugan lamang ng kawalang katapatan, pakundangan, at pagsasawalang bahala sa buhay at karapatang pantao, at gayundin sa International Humanitarian Law ng local communist terrorist movement.
Dahilan kung bakit mas gugustuhin pa aniya ng pambansang pulsya na ipagpatuloy na lamang ang kanilang ipinapatupad na batas at public safety operations against violation of law, at gayundin ang pagpapanatili sa active defense posture laban pa rin sa mga posibleng pag-atake ng nasabing teroristang grupo.
Samantala, bukod dito ay nagpaabot naman ng pakikiramay si Azurin sa mga naiwang mahal sa buhay at tagasunod ni CPP-NPA founding chairman Jose Maria Sison.
Ngunit kasabay nito ay ang muling pag-alaala ng hepe ng pambansang pulisya sa mga naging pagkakasala nito sa bayan na hindi manlang aniya niya napagbayaran.
Batay sa kasi sa datos ng PNP, akusado si Sison sa 17 magkakahiwalay na kasong kriminal, 9 na kaso ng rebelyon, 7 kaso ng murder, at iba pang hindi naisampang kaso sa korte laban sa kaniya.
Bukod dito ay akusado rin siya sa isang kasong may kaugnayan sa Crimes Against Humanitarian Law, Genocide at iba pang Crimes Against Humanity.
















